Friday, April 2, 2010
Semana Santa-santahan
Mag-aalas tres na ng hapon. Biyernes Santo. Sa bawat ilang minuto may dumadaang nagpapanata, yung Senakulo. Walang patid ang pagbabasa ng pasyon ng mga matatanda. Ayun, doon sa bahay ni kagawad ginaganap ang pabasa. Pag ordinaryong araw, tambayan lang yan ng iba pang kagawad; pag birthday naman o kaya Pasko, pugad yan ng mga lasenggero, yung mga tipong inaabot ng umaga sa paglalasing at di magkamayaw sa pag-abot ng mga nota sa kantang 'My Way'. Si Aling Juana naman halos maubos na ang boses sa halos bente kwatro oras na pagbasa. Parang nung isang araw lang sobrang busy din ng bunganga niya kakamura sa mga anak niyang iba't-iba ang ama. Tama, si Aling Juana ay kilalang pokpok dito sa amin. Marami na rin siyang nakasama. Sa ngayon apat ang kanyang anak, pawang mga mahihirap din, snatcher, holdaper, lahat na ata napasok. Ayun, kasama niya ngayon yung mga anak niya, si kuya Anjo. Ilang beses na yan nakulong, ilang beses na rin napiyansa, nakatakas. Yung isa naman, si kuya Tolits, dakilang tagatulak ng kariton sa umaga, pero pag sumapit ang dilim, daig pa si Flash sa bilis ng pagtakas. Yung dalawang babae, ayun, nagdadasal kasama ang kani-kanilang anak at mga pamangkin. Kasama nila si Ate Cory. May maliit na karinderya siya kaya nagboluntaryo siyang magluto para sa mga nagbabasa. Pero sa Lunes lang, balik na naman yan sa 5-6. Ganito naman silang lahat, kapag Semana Santa, ang babait, ang babanal, pero wala pang isang linggo ang nakalipas, balik na naman sa dating gawi. Kaya ako, isang kabataang namulat sa ganitong mundo, may pag-asa pa bang pahalagahan ang Semana Santa, magdasal imbes na mag-blog?

0 comments:
Post a Comment